Tuesday, April 7, 2009

Author's Note: Time for a New Start

April 01, 2009. Bored. Gusto ko sanang magsulat ng short story, gaya ng ginagawa ko dati, pero masyado akong tamad para magsimulang kunin ang ballpen at ubusin ang tinta nito sa aking grade 6 pad. Walang kwenta. Puro na lang ako isip. Araw-Gabi. Puro isip. Walang gawa. Puro isip. Tamad.



1995. 4 years old ako nun. Base sa aking long-term memory, mahilig na ako noong mag-isip pero syempre, isip-bata. Marami akong laruang robot noon at gaya ng lahat ng bata sa mundo, pinaglalaruan ko ito na para bang may buhay sila. Dahil na din siguro sa napakalawak na imagination ko kaya ang mga robot kong laruan ay nakakapunta sa mars at binabaril ng laser gun ang mga higanteng uod.

1997. Preparatory Grade ako nun. Nakatulong ulit ang kaka-isip ko upang makakuha ako ng 1st honor sa klase namin. Tapos grumaduate pa ako ng may tansong medalya sa leeg ko. Ang yabang noh. Maganda daw yung kahit bata ka pa e marunong ka ng umintindi ng mga pinagaaralan dahil tulad nung nangyari sa akin, nakakasagot ako sa mga test dahil sa kaka-isip ko sa mga pinag-aralan namin noong mga panahon na iyon.

2004. Kakaumpisa ko lang ng high school. Sinubukan ko nang gamitin ang pag-iisip ko sa ibang bagay. At unang sumagi sa isip ko ay babae. Galing diba, kailangan talaga ng malawak na pag-iisip pagdating sa panunuyo, pagporma, at panliligaw. Medyo komplikado kasi ang mga babae. Kaya dapat laging pinag-iisipan ang bawat galaw mo, parang chess, kailangan mong isipin ng maigi kung saan mo ippwesto ang bishop mo para makain mo ang napakagandang queen ng kalaban mo.

2007. Masaya pa din ang adventures ko sa high school. Ngunit sa panahon lang na ito ko naisip na gusto kong gamitin ang utak ko sa pagsusulat. Siguro uubra sa pagsulat sa papel ang mga bagay na paikot-ikot lang sa isip ko. Kaya ayun tuloy, bigla ko na lang nakita yung sarili ko na kasali sa isang essay writing contest, na sa awa ng diyos e napanalo ko. 3rd place. Ayos na din. At least sa first try kong magsulat ng seryoso e may nakuha ako. Ayos na ayos.

2009. Nasa kadulu-duluhan na ako ng mahabang bakasyon ko, pero hanggang ngayon e hindi pa din ako nakakapagsimulang magsulat. Ang daming lumulutang sa isip ko pero dahil sa sobrang katamaran kaya hindi ko ito mailagay sa papel.

“Tamad.”

Wait lang. Wag mo naman akong sabihan ng ganyan. Hindi na ako tamad. Nagbago na ako. Sisimulan ko na ang gusto kong magawa dati pa. Hindi ko na sasayangin pa ang kawawang buhay ko. Ako si Pedro at hindi si Juan Tamad!

1 comment: