April 4, 2009. Gumising ako at tinignan ang oras. Syet. 5:30 pa lang. Pero bumangon na din ako para ihanda ang gamit ko. Etong araw na kasi na ito ang Entrance Exam ko sa (ilagay ang eskwelahan na gusto mo) na magsisilbing simula ng aking kalbaryo sa kolehiyo. Napakabilis nga talaga ng panahon at konti na lang e matatapos na ang mahaba kong bakasyon.
(Sa mga hindi nakakaalam, pagkatapos ko ng high school ay nakipagsapalaran ako sa loob ng big brother house na dahilan ng pagtigil ko ng pag-aaral. Masaklap dahil hindi man lang ako sumikat kahit na konti. Badtrip.)
Kinakabahan ako ng konti, dahil yung huling beses na nag-entance exam ako e napahiya ako ng husto. Ewan ko ba. Slight lang ata.
Re-enactment.
April 2004.
Si Pedro ay papasok ng room na pagdadausan ng exam.
Proctor: Hoy! Balik! Hindi ko pa nakikita yung permit mo.
Pedro: Sorry po mam. Eto na po.
Proctor: Resibo to eh. Yung permit ang sabi ko.
Pedro: Pasensya na po. Eto na.
Proctor: Hindi ka naman dito ha. Dun ka sa kabilang room.
Pedro: Wah.
Kabado talaga ako nun. Kaya nawala ang focus ko. Buti na lang ay naipasa ko ang exam, kahit na napakakulit nung katabi ko dahil hiram ng hiram ng pambura.
Nakakain na ako. Nakaligo. Nakapagtoothbrush. Nakapagbihis. Handa na akong lumarga papuntang (ilagay ang eskwelahan na gusto mo). Masaya ang biyahe at dahil papasikat pa lang ang araw hindi pa masyadong mainit. Pinapanatili kong kalmado ang sarili at hindi ko hinahayaang angkinin ako ng aking kaba.
(Now Playing: Swimming Beach – Parokya ni Edgar)
Ayos ang soundtrip sa jeepney, nakakagaan ng loob. Kahit papaano e nawala sa isip ko ang mga mangyayari sa araw na ito. At sobrang ganda nung babaeng nasa dulo. Mukhang swerte ako ngayong araw.
Umabot ng bente minutos ang biyahe sa jeep, dalawang minutong paghihintay sa traffic light na hindi naman pala gumagana. Trenta segundo ang pagtitig ko dun sa magandang babae, bago niya yata napansin at nagdesisyon ng bumaba. Anim na minuto ang tagal ng ulan na para bang tinatakot ako dahil wala akong dalang payong, buti na lang tumigil ito bago ako dumating sa aking destinasyon. Pagbaba ko, biglang sumagi sa isip ko na ito na ang huling pagkakataon para umatras pero bigla din akong nabiyayaan ng lakas ng loob. Kaya dire-diretso akong pumasok sa gate, badtrip nga lang dahil hinarang ako ng guard.
Reenactment.
April 4, 2009.
Sa gate ng eskwelahan.
Guard: At saan ka pupunta? Hindi ka naman pumapasok dito ha ano ka papasok ka na lang nang ganon ganon hindi pwede yan papasok ka na lang dito e wala ka naman estudyante ka ba hindi naman kita kilala e ha ano ano ano bakit hindi ka magsalita hoy magsalita ka ano ba tignan mo wala ka naman pala e.
Pedro: Ahh.. Ehh.. Mag-eexam po ako.
Guard: Ah, ganun ba. Bakit hindi mo sinabi. Eto naman ayaw magsalita. Anu mararating mo nyan. Sige po pasok ka na. Doon yung exam sa building na yun.
Pedro: Sige po. (sabay takbo)
Nakakatakot di ba? Umpisa lang yan ng mga nakakawiling adventures ko kung saan e magiging superhero ako para kalabanin ang mga nakakatakot na guro sa paaralang ito, masaya sana pero parang palabas lang sa tv.
Pagdating ko sa room na pagdadausan ng aking exam, nakita ko na marami na agad estudyante na hindi naman masyadong nakakagulat dahil medyo late na akong dumating. Mayrong proctor na nakatayo sa pintuan at nag-che-check ng mga permit ng mga mag-eexam. Tapos tinuturo nya kung saan dapat umupo ang bawat isa para nga naman organisado, hindi katulad nung high school na unahan ang mga bata sa upuan na walang vandal, hindi sira ang desk at magandang vantage point para sa pangongopya.
Tinuro sa akin ng proctor ang aking upuan na sa bandang likod nakalagay. Ayos lang naman sa akin kahit saan basta yung katabi ko e hindi mabaho at hindi maingay. May karanasan kasi ako na yung naging katabi ko e sobrang baho, parang minu-minuto e nagpapalabas ng hangin. Badtrip yung ganun, kasi nakakasira ng focus sa pagsagot sa test. Kahit 1 + 1 siguro mahihirapan kang sagutin dahil sa amoy na sumisira sa utak ko.
Pagkaupo ko pa lang ramdam ko na aura sa buong kwarto. Sa bawat mukha ng taong nandoon, kita ang kaba, takot, antok, pagkabagot, gutom, problema sa pag-ibig at yung mga mukhang napapajingle na. Pero ako parang nawawala na yung kabang nararamdaman ko, siguro dahil may magandang tumabi sa akin ngayon ngayon lang. (Yes!)
Badtrip. Ang tagal mag-umpisa ng exam. Mas tumataas tuloy ang kabang nararamdaman ng mga taong nasa room. Hindi kasi namin alam kung ano ba ang mangyayari. Baka nga may nag-iisip na bigla na lang may papasok sa room na serial killer at sasabihing “Welcome to the entrance exam chainsaw massacre!!!”.
Wow. Nakakatakot yun. Pero ako, iniiwasan kong mag-isip nang mag-isip. Panget kasi yun. Lalo na pag katulad kong napakalawak ng imahinasyon. Kaya pinalipas ko na lang ang oras sa pagtingin sa mga batang nasa paligid ko. At kitang-kita ang iba’t-ibang klase ng tao na kasama ko. Merong maganda. Merong panget. Merong parang grade 6. Merong parang gurang na yata. Merong kinakabahan. Merong inaantok. Merong parang hindi naligo. Merong parang sobra sa make-up. Merong parang may utang pang hindi nababayaran. Merong parang papansin lang. Merong nakakilala sa akin, sabi pa “Woi! Kilala kita di ba?”. Merong patext-text lang. Merong parang hindi kumain ng agahan. At merong sobrang gwapo. (ako yun)
Lumipas ang oras at siguro dahil sa sobrang tagal magsimula e biglang may sumigaw nang “Hoy! Magsimula na tayo!”. Galit na galit. Kaya natauhan siguro yung proctor at pinaliwanag na ang gagawin sa exam. Pagkatapos ibigay sa amin ang instructions. Ipinasa na ang mga test booklets at answering sheets. Pero bago ako magsimula, nagdasal muna ako kay papa Lord.
“Lord, sana po patnubayan niyo ako sa pagsagot ng exam na ito. Sana madali lang. Sana wala akong maling sagot. Sana walang mangopya. Sana pag-uwi ko e masarap yung ulam namin. Yun lang po. Salamat sa pakikinig. Sa pangalan ni Hesus. Amen.”
Pagbuklat ko sa test booklet, nakita ko na para lang NCAE ito. Mas madali pa yata. Hindi ko na ipapaliwanag kung ano ang nangyari sa pagsagot ko sa exam. Basta sabihin na lang natin na perfect ako dun. (yabang)
“Time’s up!” Sabi ng proctor.
“Kanina pa ako tapos.” Sabi ko naman.
Ibinalik na namin ang test booklet at answering sheets sa kakagising lang na proctor. Ayos. Nakaraos din sa entrance exam. Sana lang e nakapasa ako dahil kung hindi e mahahagisan ako ng tsinelas.
At iyan ang kwento kung paano ko naligtas ang prinsesa sa napakabagsik na dragon. Kinabahan man ako nung una, nawala naman ito kaagad at natapos ko ng maayos ang dapat kong gawin. Sana lang paglabas ko dito sa school e wala na yung nakakatakot na guard. Wait lang. Andyan pa din siya. Sasabay na lang ako sa ibang estudyante para hindi ako makita.
Wednesday, April 8, 2009
Author's Note: Entrance Exam
Labels:
author's note,
Featured,
j.k. wong,
life,
pedro,
rouken,
The Author's Note,
xd
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
hahahahahahaha. ayos. :D
ReplyDeletemas maganda pa to kesa sa ano jan. ung nanjan
ReplyDeletewow. ang exciting pala ng araw mo O_O ang tapang mo sa dragon. haha =)
ReplyDelete