Thursday, May 21, 2009

Author's Note: 18th Birthday

[caption id="attachment_143" align="aligncenter" width="418" caption="Cake"]Cake[/caption]

May 09, 2009. 12:00 am. Naghihintay ako ng text message. Wag mo ng tanungin kung kanino. Pero syempre dapat alam mo na kung ano ang maaaring dahilan kung bakit ang isang tao e gising ng ganitong oras para lamang maghintay ng text message. Bomblargs. Hindi yun. Kung anu ano iniisip mo. Syete.



Sa kasamaang palad dumating na naman ang araw na pinakahihintay ng isang bata sa kanyang buhay, siguro dahil sa mga regalong matatanggap niya sa mga ninong at ninang na pinili talaga ng kanyang mga magulang dahil sa a.) Mayaman sila at b.) Mayaman talaga sila. Ganun din ang paniniwala ko dati. Pero ngayon, ako ay nasa edad na kung saan legal ng lumayas ng bahay at legal ng uminom ng mas matapang na softdrinks. Ako ay labing-walong taong gulang na.

Nakakagulat pero totoo yun lahat. Pati dun sa parteng gwapo ako. Mahirap ipaliwanag ang mga emosyon na nararamdaman ko ngayon. Sa tingin ko nga wala akong nararamdaman e, pwera na lang dun sa tigyawat na biglang lumabas sa pisngi ko. Basta sa tingin ko pag kaawaran ng isang tao, dapat e masaya siya. Masaya naman ako, sana.

Balik tayo sa usapan kanina. Siguro alam nyo na kung ano yung hinihintay ko. Text message na naglalaman ng "Happy Birthday Pedro!". Isang message lang na ganun ang matanggap ko, pwede na akong matulog ng mahimbing.

*Beep-Beep*
*Beep-Beep*

Hanap na ringtone yan. Parang sa jeepney. Pero tama ang narinig nyo, meron na ngang nagtext sa akin. Excited na akong malaman kung sino ba ang unang bumati sa akin. Sana nga lang hindi yung sinumpang 2366 yung nagtext sa akin. Hindi ko kailangan ng special promos & downloads sa birthday ko.

Tokneneng
May 09, 2009
12:08 AM

Hoy! Pedro! Bayaran mo na yung utang mo sa akin! Sabi mo sa unang linggo ng Mayo mo babayaran yung utang mo. Potek na! Isang taon na yun ha! Magwawala na ako pag hindi mo pa binayaran yun. Siguro alam mo na kung ano mangyayari pag nagwala ako. Natatandaan mo naman nung isang buwan di ba? Basta dapat mamayang umaga nakalagay na sa isang sako ng bigas yung eksaktong bilang ng pera ko ha. At wag mo ulit lalagyan ng uling yon. Sawang-sawa na ako! Naku, Pedro!

P.S. - Maligayang kaarawan pala. Sabi nila birthday mo daw nung isang araw. Paburger ka naman. Syete.

Medyo badtrip ako dun ha. Pero at least may bumati sa akin. At ngayon ay kaya ko nang matulog ng mahimbing. Mamayang umaga ang simula ng aking super duper extravagant 18th birthday. Zzzzzz...

8:30 AM. Naririnig ko ang pagkanta ng mga ibon. Ang paghampas ng hangin sa mga puno ng buko. Ang paghihiyawan ng mga bata habang may ginagawang kababalaghan ang dalawang magsyotang aso. Ang pagputak ng manok dahil pinupugutan na ito ng ulo. At ang pagsigaw ng aking lola sa akin dahil tanghali na daw at nasa kama pa din ako.

Reenactment.

Mamma Mia: HOY PEDRO! Gumising ka na! Tanghali na! Bumili ka ng patis sa kanto!
Pedro: Anu ba?! Birthday ko e! Wag nyo na akong utusan!
Mamma Mia: Ano ka chicks?! Bahala ka, hindi maluluto yung handa mo pag hindi ka bumili! Belat!
Pedro: Naman kasi e! So much na! Ayaw ko na! ARAY!! Bakit nyo ako binatukan??
Mamma Mia: Potek ka! Bilisan mo at bumili ka na! Wala kang regalo sa akin pag hindi ka sumunod.
Pedro: Wah.

Maganda ang pakiramdam ko ngayong araw na to. Hindi lang dahil sa birthday ko. Kundi dahil 365 days na lang, birthday ko na ulit. Ang saya diba?
Pagkatingin ko sa cellphone ko. 14 messages. Waw. Ang dalawa dun ay mula sa 2977. Ang isa mula sa na-expired kong extra load. Meron din mula sa natapos kong unlimited text. Pito dun ay forwarded messages, na sinasabing mamalasin daw ako sa kaarawan ko pag hindi ko ipinasa sa benteng katao yung message na yun. At yung natirang tatlo, mula sa mga kaibigan ko na tinakot ko kagabi para padalhan ako ng birthday message.

Para sa mga hindi nakakaalam, ako ay naggugunita ng aking panglabingwalong kaarawan. Isang bagay na hindi pinapansin masyado ng MMDA pag tumawid ka sa highway. Pero ang mga babae naman, sobra sobra ang excitement pag 18th birthday nila, dahil siguro ito yung taon na magkakaroon sila ng magarbong selebrasyon na tinatawag ng mga matatanda na 'debut'.

Wala naman akong masyadong alam tungkol dito sa sinasabi nilang 'debut', akala ko nga dati eto yung araw na tutuliin ang mga babae, pero binatukan lang ako ng doktor nung tinanong ko sa kanya yun. Basta parang prom ang setting nito, makakakita ka ng madaming balloons, may catering pa minsan, kasama dun ang lechong baboy na merong papaya sa bibig. Meron din yatang magic show at agaw-bitin para hindi mabored ang mga bisita. At meron yung tinatawag nilang 18 roses, kung saan sinasayaw ng "debutant" ang labing-walong lalake na maaaring naging 'ex' nya, o kaya kaibigan sa frat, o kaya naman yung gardenero nilang macho. Basta kahit ano dun. Masaya yun, para sa mga babae. Ang mga lalake kasi, wala akong alam na nagkakaroon ng 'debut'. Hindi naman kasi yata kelangan talaga yun e, siguro pag naging bakla ka kelangan mo nun, pero anong point ng isang birthday celebration kung saan titignan ka lang ng mga tao dahil sa napakapanget mong gown, makapal na make-up, at high heels na pumipigil sa iyo para tumalon ng mataas sa agaw-bitin.

Anyway, ang tema ng kaarawan ko ngayong taon ay "Swimming/Reunion/Libre ko kayo ng pamasahe". Talo nyan ang tema ko last year na "Magbungkal sa kusina/Magkulong sa kwarto/Matulog hanggang sa matapos ang araw na ito". Medyo ayos sana yung last year kundi lang dahil sa suprise party nila sa akin, na sinasabi ko sa lahat na hindi naman talaga ako na-suprise.

10:00 AM. May tumatawag sa cellphone ko. Sinagot ko naman para maubos load nya. Kaibigan ko pala, sabi nya hindi na daw siya sasama sa swimming namin dahil daw mayron syang "money problems". Sabi ko naman ayus lang, basta next year wag ka ng magsasabi na sasama ka kahit hindi naman talaga. Sabay baba ng phone. Minus one na naman ang sasama sa aking birthday party. Syet. Kahapon lang may nagsabi din sa akin na hindi siya sasama dahil daw may sakit yung pagong nila. Siguro umiiwas lang talaga sila sa kaarawan ko, dahil nanghihingi kasi ako ng regalo pag kaarawan ko. Hindi pwedeng wala. Pag wala, tatawagin ko yung aso namin, codename tagpi, at ipapakagat ko sila dun. Kailangan yun para mapilitan magbigay ng regalo.

Actually, last week nga nagpadala ako ng invitation via Friendster.com sa aking mga "friends". Halos 800 yata yun. Labing-isa yung nagreply na hindi sila sigurado. Siyam naman yung nagsabing pag may pagkain pupunta sila. Lima yung nagtatanong kung may maganda ba daw na sasama. Isa yung nagsabing pupunta daw dahil idol nya ako. At 776 naman ang hindi pa nagrereply dahil na din siguro sa hindi naman nila ako kilala.

Binulong ko ulit sa sarili ko na ito ang magiging pinakamasayang kaarawan ko. Hindi dahil sa makapal kong wallet. Hindi rin dahil sa magandang babaeng sasama sa amin. At lalo nang hindi dahil sa nakukutuban kong may suprise sa akin yung mga kaibigan kong sasama.

12:00 PM. Nagdidilim. Parang maaga yata ang pagdating ng gabi ngayon. Tinutulak ng mga maiitim na ulap yung mapuputing ulap. Sa isang iglap, biglang nawala ang sikat ng araw. Nagtampo yata, ewan ko. Natakot tuloy ako, kasi ang panget naman kung mag-o-outing kami habang umuulan. Para na din yung pangangaroling sa halloween. Badtrip diba? Pero matibay naman ang loob ko, sabi ko lang e kung sakaling uulan marahil siguro blessing sa akin yun ni Papa Lord. Sana nga ganun.

Ayon sa librong, "Paano magkaroon ng very cool na birthday party", ang sangkap sa maayos at masayang birthday party ay malaking cake, isang bote ng coke at wala ng iba. Kung meron ka pang gustong idagdag, wag mo ng isali dahil makakasira lang sa party nyo kung ano man iyon. Sisisihin ka pa ng mga kasama mo dahil sinira mo ang dapat e masaya at makulay na birthday party nila.

Pagkain. Check. Inumin. Check. Plastic spoons and forks. Check. Disposable plates. Check. Body Odor. Check. Shades. Check. Lahat ng kailangan ko para sa araw na ito ay handa na. Sa tingin ko, ito na ang isa sa pinakamasayang birthday party sa buong bayan namin. Iyon ang pinagmalaki ko sa mga kabaranggay ko kahapon habang tumatakbo akong nakabrief lang sa harap ng baranggay hall namin. Pinagbigyan naman nila ako dahil sikat ako sa baranggay namin.

Lumarga ako paalis ng bahay namin para pumunta na sa meeting place ng aking mga kaibigan. Gamit ang kotse kong lumilipad, binenta ko iyon para meron akong pamasahe. Kahit na birthday ko, wala pa din akong pera. Isa sa mga katotohanan pag birthday ng isang tao e madami daw pera ang celebrant. Ito ang nag-uudyok sa mga kaibigan ng may birthday na sabihin ang mga katagang "Pa-burger ka naman." at ang sikat na sikat na "Blow-out! Blow out!" at ang hit sa mga kabataan na "Inuman! Inuman!"

Reenactment
Sa tindahan nina Tokneneng

Pedro: Tokeneng! Pabili nga ng patis!
Tokneneng: Anong patis?! Bayaran mo muna utang mo!
Pedro: Tokeneng naman. Para naman tayong walang pinagsamahan.
Tokneneng: Hmmp! Bahala ka sa lelang mo!
Juan: Yow! Pedro! Diba birthday mo ngayon? Pa-burger ka naman! Burger! Burger!
Tokneneng: Ano?! Birthday mo ngayon?! Naku bayaran mo na yung utang mo! Madami ka palang pera eh! At ibili mo na din ako ng burger para naman mapasaya mo ako! At isang case ng metal polish.
Pedro: Wala akong pera noh. Ano ba Juan, wag ka ngang humawak sa hita ko!
Juan: Dali na boy. Ilibre mo na ako. Dali na!
Tokneneng: Ako din.
Pedro: Ano kayo chicks?! Akin na nga yang patis na yan! (Sabay takbo.)
Juan: Oh? San niya dadalhin yung patis na yun?
Tokneneng: PEDROOOOOOOOOOO!!!!!!!!

Iyan ang problema ng mga taong may birthday, sa kanya umaasa ang lahat bisita nyo. Parang palamunin nya ang buong barkada. Parang siyang tatakbong mayor sa pamamahagi nya ng isang platong pagkain at isang kilong bigas. Kaya merong mga taong kapag dumating ang kanyang kaarawan e nagtatago sa kaibigan nya. Iyon pala e may suprise party sila para sa kanya, kawawang bata.

Pagdating ko sa meeting place namin, wala na sila. Iniwan na nila ako dahil ang tagal ko daw, sambit pa ng isa naming kasama na nagpapalate daw ako e hindi ko naman daw birthday. Naiyak tuloy ako.

Dumiretso na ako sa pagdadausan ng aking birthday, ang <ilagay mo dito kung ano gusto mong resort>, maganda siya pero mas maganda yung nakalagay sa brochure. At wala yung sinasabi nilang roller coaster. Badtrip naman. Pagdating ko dun, sinalubong nila ako. Tuwang-tuwa sila ng kinuha nila sa akin yung pagkain. Pero sa kasamaang palad wala man lang bumati sa akin ng 'Happy Birthday'. Naiyak ulit ako.

Pagpunta namin sa entrance. Sabi ko sa kanila "ilabas na ang entrance fee." Pero wala kahit isa na nagbigay. Biglang may bumanat ng "Birthday mo eh!" Tapos ginatungan pa nung isa "Pa-burger ka naman!" Napakasaya ko nun. Kaya nilabas ko ang mataba kong wallet na butas naman pala dahil ningatngat ng daga. Tinanggal ko yung mga coupons at discount card sa mga bulsa at tinaktak ko para lumabas yung mga barya. May nahulog na singkong-butas. Sabi nila "Tara uwi!" Humahagulgol na ako sa oras na iyon.

Buti na lang yung isa naming kasama e may kilalang nagtratrabaho dun sa resort kaya nakakuha kami ng discount sa aming entrance fee, ngunit sinabi nya din na wag na daw kaming babalik doon. Ayos. Nakapasok na kami.Nakakuha na ng cottage. At ready ng sumakay sa roller coaster. Nabigla lang sila nung malaman nilang hindi pala totoo yun.

Reenactment
Sa inaanay na cottage na may butas-butas na yero

Juan: SSHHH! Wag kayong maingay, andyan na si Pedro. Basta get ready na lang kayo.
Pedro: O guys, ano ba problemo natin. Bakit ayaw nyo sumakay sa roller coaster? Mga KJ naman e. Guys? Bakit parang naging zombie kayo.
Lahat: 1..2..3..SUPRISE!!! HAPPY BIRTHDAY PEDRO!!
Pedro: wow. Para sa akin ba yan?? Salamat guys. Nag-abala pa kayo. Thanks talaga. Teka, Ano to, Marble Cake to ha?!! DIBA SABI KO CHOCOLATE CAKE!!! ANO BA NAMAN GUYS!! CAKE NA LANG NAGKAMALI PA KAYO?!
Juan: Sorry boy, eto lang nakayanan namin e. Meron ka namang pansit dito e.
Pedro: PANSIT!!! SABI KO PASTA DIBA?!!
Juan: Wah.

Isa sa pinakahihintay ng birthday celebrant sa birthday niya, ay ang paghahati ng cake sabay ang pagkanta ng pinakasikat na kanta sa mundo, ang "Happy Birthday Song" Sa kasamaang palad nga lang, mistulang wala talaga yatang may alam na birthday ko nung araw na iyon. Dahil kahit cake, wala man lang nagdala. Nagkamot tuloy ako ng ulo habang nilalamutak nila sa bunganga nila yung mga pagkaing dinala ko.

"~Happy Birthday To You. Happy Birthday To You. Happy Birthday Dear <insert name here>. Happy Birthday To You."

Akala mo para sa akin yun noh. Well, tama ka. Ginawa ko lang suspense para masaya. Naiyak ulit ako nung nakita kong may cake sa harapan ko, with matching candles pa na para sa 8 years old. Sabi ng mga kaibigan ko, "Make a wish, baka madedo ka na bukas e." Dahil uto-uto ako, nagwish naman ako ng maraming laruan sa pasko. At syempre nagwish din ako ng maraming friends, para maraming pupunta sa susunod kong birthday party.

Sa kinalaunan, natapos ng matiwasay ang araw ng aking kaarawan. Sunod-sunod kaming umuwi sa aming mga bahay. Sinalubong ng aming mga magulang na nag-aalala na pala dahil walang ni-isa sa amin ang nagpaalam. Kinuwento ang mga pangyayaring tatatak sa isipan ng bawat isa. At masasabi ko nga, sa huling pagkakataon, na naging masaya ako ngayon. Ito ang pinakamasayang birthday ng buhay ko. Pero sisiguraduhin kong next year e mas magiging masaya pa, dahil babalik ulit kami dun sa resort na iyon. Sabi kasi nila itatayo na yung roller coaster. Tignan natin.

2 comments:

  1. ahahaha. weee. kakatuwa naman ang araw mo nung araw na yun.
    hahaha..

    ReplyDelete
  2. hahahahaha. pwede na. sana pala sumama ako. XD

    ReplyDelete